Corned beef

Xander Ceballos
3 min readFeb 4, 2023

--

Source: www.maggi.ph

Sa tuwing ako ay gumigising sa umaga, noong ako ay estudyante pa sa high school, unang tatatak sa aking isipan ay kung ano ang ulam sa hapag-kainan na laging si mama ang naghahanda. Minsan ay malalaman ko na agad yung putahe na kanyang niluluto base sa mga ingredients na aking nalalanghap mula sa kwarto (maliit lang kasi ang tahanan at ilang hakbang lang ang pagitan ng kwarto at kusina). Kapag nalalanghap ko na ang paggisa ng sibuyas at bawang, ay naku, alam kong ang peyborit kong ulam ang niluluto — ang ginisang corned beef.

Argentina corned beef lang ang gamit na brand ni mama noon kapag nagluluto. Kahit papaano ay malaman at juicy pa ang tenders ng Argentina corned beef noon kumpara sa ngayon na naglasang bakal na. Ang putaheng corned beef ni mama ay hindi lamang basta corned beef — meron itong patatas na aking paboritong kainin. Malambot at maayos ang pagkakahiwa ng mga patatas na nilalagay ni mama kaya naman ito lagi yung una kong kinakain. Lagi ring sakto ang mantika na kanyang nilalagay.

Noong bata kasi ako, pihikan ako sa pagkain, siguro ito na rin ang naging rason kung bakit simula’t sapul ay hinahalintulad na ako sa walis tingting (na siya naming nagbago pagkaraan ng mga taon). Kapag ang hapag ay isda, binabagalan ko ang aking kilos dahil wala akong gana pumasok. Ngunit kapag ang hapag naman ay corned beef, aba, ako pa mismo ang sasalubong sa aking service.

Kaya noong isang araw na ako ay bumangon at walang nalanghap na kahit ano, gusto ko na lang bumalik sa pagkakatulog. Wari ko kasi ay walang niluto si mama at isa lamang ang ibig sabihin nito — ako ay bibili na lamang sa canteen ng aming paaralan. Minsan kasi, may mga event si mama na kailangan niyang lumisan nang maaga, sa Manila kasi siya nagttrabaho, at dahil uso na ang traffic sa daan at hindi niya naman kayang lumipad sa kanyang trabaho mula Bulacan, ito lang ang solusyon na kanyang gagawin hanggang sa mga susunod na taon.

Hindi naman ako demanding, kaya ko naman palagpasin yung damdamin ko kapag hindi nakukuha ang gusto. Marahil isa ito sa mga naging coping mechanisms ko kasi trinato kami ng aming mga magulang na maging masaya sa kung ano ang kayang ibigay at kung ano ang meron.

Ngunit kung tutuusin, hindi naman leisure food o expensive ang Argentina corned beef noon. Wala pa nga ito sa treinta pesos (na ngayon ay umabot na sa 60 pesos, ang lungkot). Pero dala na rin siguro ng pagkasanay ko at ang pagkakabit ng masasayang damdamin sa pagkaing ito, wala akong magagawa kung hindi ay bumili na lamang ng ka-pritsong hotdog na may itlog sa canteen.

Nasa kolehiyo na ako ngayon. Aba syempre, natutuhan ko na rin kung paano magluto ng corned beef! Minsan nga ay ako na rin ang nagluluto para sa kapatid ko, mama at papa. Ngunit dumidikit pa rin sa kawali yung patatas at minsan ay hindi pa ito naluluto nang buo. Sa mga pagkakataon na ito, nalalanghap ko ang simoy ng umaga, sibuyas, at bawang, at ako ay nabubusog na.

--

--

Xander Ceballos
Xander Ceballos

Written by Xander Ceballos

Professional dreamer, impassioned writer

No responses yet