Tampisaw
Malinaw sa kanyang itsura ang pagmamadali at pagkabalisa. Ilang ikot na lamang ng kamay ng orasan at magsasara na ang discussion board kung saan niya ipapasa ang Midterm essay para sa kursong Media and Society. Ang ganitong kabigat na gawain ay hindi maaaring ipagsawalang-bahala sapagkat katumbas nito ang natitirang puntos upang siya ay makatungtong sa susunod na semestre.
Tatlong daang salita at tatlumpung minuto ng pagluluksa pa ang kakailanganin upang mairaos ang mala-thesis na essay ni Andeng. Hindi madali ngunit susubukan. Marami pang oras. Marami pa.
Diyos ko! Kung hindi ka nga naman mahal ng Bathala at saktong bumuhos pa ang ulan sa kalaliman ng gabi na sinundan pa ng mga matitinding kulog at kidlat. “HUHUHU….. bumabagal na naman ang internet, mukhang wala nang pag-asa pa,” nangagambang pagmumuni ni Andeng.
Hindi rin natin masisisi ang estudyanteng nagkukumahog sa pagsusulat. Ang pagpapaliban niya kasi sa paggawa essay ay bunga ng paggawa ng tone-toneladang gawain sa iba pang kurso. Ito man ay hindi praktikal para sa estudyanteng madaling mataranta, lalo na sa oras ng sakuna, ito lamang ang tanging daan palabas ng semestre.
Sa pagkakataong ito ay huminto muna si Andeng sa sariling pagkakabalisa. Ito na yata ang oras upang sundin ang mapanuyang paalala ng mga kaibigan sa kanya sa gitna ng kagipitan, “Kumalma ka, Andeng!” Tinanggal ang pares ng maulop na salamin at saka dahan-dahang isinara ang mahiwagang kahon.
Siya ay dumungaw sa bintana at mula rito ay natatanaw niya ang kapaligiran, kanyang naririnig ang pagtilaok ng mga manok sa kalapit na poltri ng kapitbahay. Nasisipat niya ang mga tukong napakagaslaw kung gumapang sa pader ng kanyang kwarto. Nagtataasan ang kanyang mga buhok sa braso tuwing lumalagpak sa lupa ang mga patak ng ulan mula sa bubungan.
Sa saglit na iyon ay nakalaya siya sa bilangguang walang rehas, sa kaisipang nag-anyong tanikala.
Kanyang binalikan ang mga alaala ng kaginhawaan, ginunita ito sa isipan, at pinagnilayan. Ibang iba ang pagkakakilanlan niya noon. Hitik sa ligaya at pag-asa, palabiro at masigasig ang Andeng bago pa magsimula ang pandemya. Kumpara sa ngayon, lubog ang mga mata at ang ngiti ay kupas na. Hindi ito ang ninanais niyang maging sukdulan. Hindi maaari.
Tatlong daang salita at limang minuto, tuloy-tuloy pa rin ang pag-ikot ng refresher button. Hindi nagtagal ay nawalan din ng kuryente ang buong baryo. Lumakas pa lalo ang ulan na para bang ipinirarating na nagdadabog si Bathala.
Ngunit sa mga saglit na ito, hindi alintana ni Andeng ang karahasan ng kalikasan, kilabot ng isipan, at ang kanyang kapalaran. Sa pagitan ng mga nagtutunggaliang panig, isang mapangahas na pasiya ang namumutawi.
“Magtatampisaw ako sa ulan.”